!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Davao City, pinalalakas ang bio-security, kasunod ng pangamba ng pagpasok ng Novel Coronavirus 
By Armando Fenequito | RP1 Davao - January 23, 2020 , 3:52 pm

Pinalalakas ngayon ng mga awtoridad ang bio-security measures sa Davao City sa lahat ng mga daan papasok ng lungsod, para bantayan ang pagpasok ng Novel Coronavirus (nCoV), na ngayon ay nakapasok na sa bansa.

Inihayag ni Public Safety and Security Command Center (PSSCC) head Angel Sumagaysay na pinaigting ngayon ang pagbabantay ng Bureau of Quarantine sa Davao International Airport, dahil ito ang pangunahing daan papasok ng lungsod.

Ayon kay Sumagaysay, naka-standby ngayon ang thermal scanner nito sa naturang airport, para mabantayan ang lahat ng mga pasahero, lalo na ang mula China at Cebu kung saan nakita ang naturang sakit.

May nakaabang rin na ambulansya sa airport, para dalhin agad sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) ang mga pasahero na makikitaan ng sintomas ng naturang virus para i-quarantine.

Dagdag ni Sumagaysay, bukod sa paliparan, nakaalerto din ang bio-security sa mga pantalan, pati na rin sa tatlong checkpoint areas papasok ng lungsod, partikular ang nasa mga barangay ng Lacson, Calinan, Lasang, Bunawan at Sirawan Toril upang masiguro na hindi makakapasok ang naturang virus.

Sinabi nito na nakaabang ang mga tauhan ng Bureau of Quarantine sa mga pantalan at checkpoint areas, para suriin ang lahat ng mga papasok na mga tao.

YOU MIGHT ALSO LIKE