Direktiba ni PRRD kay Sec. Año na pangasiwaan ang PNP, subject to change
By Alvin Baltazar - January 3, 2020 , 10:24 am

Naniniwala si Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo na subject to change ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa gagawing pangangasiwa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) sa susunod na dalawang taon.

Ito ay sa gitna ng pasiya ng Commander in Chief, na huwag pa ring magtalaga ng permanenteng hepe ng Pambansang Pulisya matapos ang pagretiro ni General Oscar Albayalde noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Sinabi ni Panelo, na sa bawat kataga namang lumalabas sa bibig ng Presidente ay maaaring mabago.

Pero aminado ang tagapagsalita, na hindi niya arok kung ano ang nais pakahulugan sa gayung pahayag ng Pangulo, sa gitna ng pag-amin nitong wala pa rin talagang nakikitang honest at competent PNP official ang Presidente para pamunuan nito ang puwersa ng pulisya.

Sa ngayon, ayon kay Panelo, ay may problemang nakikita ang Pangulo sa Philippine National Police dahilan upang wala pa rin itong naitatalagang permanenteng mamumuno dito.

YOU MIGHT ALSO LIKE