DOH Calabarzon, nagbabala sa mga mahilig maligo sa ulan
By Tess Ramirez - August 27, 2019 , 9:42 am

Nagbabala ang Department of Health (DOH)-CALABARZON sa mga mahilig maligo sa ulan lalo ngayong laganap ang leptospirosis.

Sinabi ni DOH-CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo, bata man o matanda ay dapat umiwas sa paglusong o pagtampisaw sa tubig-baha, dahil kung may sugat o anumang gasgas ang paa o binti, ay maaaring makapasok ang bacteria na nagdudulot ng leptospirosis mula sa ihi ng daga na napahalo sa flood water.

Kung walang importanteng lakad, makabubuting manatili na lamang sa bahay dahil hindi nakakasiguro kung hindi baha ang dadaanan, at hindi rin nakatitiyak na malinis ang tubig nito dahil sa mga basurang nakakalat sa paligid.

Kung hindi naman aniya maiiwasan ay uminom ng prophylaxis bago lumusong sa tubig upang makaiwas sa impeksyon na dala ng leptospirosis.

Bagamat may epidemya ng dengue sa Calabarzon, ang kaso naman ng lepto sa naturang rehiyon ay bumaba ng may animnapung porsiyento. May 77 lamang kaso nito, mula Enero hanggang Agosto, kumpara sa 199 noong nakaraang taon.

Gayunman ay patuloy pa rin silang nagpapaalala sa harap ng banta ng leptospirosis.

YOU MIGHT ALSO LIKE