!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Health Sec. Francisco Duque III, sinagot ang alegasyon ng ‘conflict of interest’ laban sa kanya
By Nimfa Asuncion - August 14, 2019 , 5:46 pm

Humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Department of Health Secretary Francisco Duque III upang sagutin ang alegasyon ng ‘conflict of interest’ laban sa kanya.

Nag-ugat ang alegasyon sa naging privilege speech ni Senador Panfilo Lacson tungkol sa pinasok umanong kontrata ng Philhealth at DOH sa kumpanya ng pamilya ni Secretary Duque.

Sa kanyang pagharap, inisa-isa ng kalihim ang mga alegasyon na ito.

Una, sa kaso ng conflict of interest diumano sa pagrerenta ng Philhealth Region 1 sa gusali ng Educational and Medical Development Corporation (EMDC).

Giit ni Duque, ang negosyo nilang ito ay may kinalaman sa edukasyon na hawak ng CHED at DepEd, at hindi related sa health sector.

Sinabi rin ng kalihim na ang Philhealth ang nakiusap sa kanyang kapatid, na dating nangangasiwa sa EMDC nang panahon na iyon na si Gonzalo Duque, na magrenta sila sa gusali, dahil pinapaalis na sila sa una nilang naging opisina na idineklarang fire hazard.

Dumaan aniya ito sa tamang procurement process, at katunayan, ay naiparenta ito sa regional office sa tamang presyo.

Nang maupo aniya siya bilang ex-officio member ng Philhealth noong 2013, ipinaalam niya agad kay dating Philhealth head Atty. Alex Padilla ang shares niya sa kumpanya, at ang pag-divest niya nito.

Pagdating naman sa kontrata ng DOH sa Doctors Pharmaceutical Inc., (DPI), sinabi ni Duque na bago pa man siya makapasok sa gobyerno ay matagal nang nakikipag-transact ang kumpanya sa pamahalaan.

At nang una siyang maupo bilang DOH secretary noong 2005, ay walang kontrata ang DOH sa DPI.

Tanging sa mga lokal na pamahalaan gaya ng Manila, Makati, Marikina at Pasig lang aniya ito may transaksyon.

Nangako si Duque na hindi niya hahayaang mabahiran ng katiwalian ang kanyang pangalan, at kaisa aniya siya ng administrasyon sa mga adbokasiya nito.

YOU MIGHT ALSO LIKE