!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
House Bill 5308 vs mali-maling textbooks, inihain sa Kamara
By Kathleen Forbes - November 8, 2019 , 3:58 pm

Inihain ni  Bohol Representative Kristine Alexi Tutor ang House Bill 5308, o ang “Educational Textbooks Accuracy and Veracity Act.”

Layon ng panukala na matiyak na ang mga aklat na ginagamit ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at sekundarya ay walang mali.

Tugon ito ng mambabatas sa report ng Commission on Audit (COA) na aabot sa P254 milyong pisong halaga ng mga textbook para sa grade 3 pupils ang puno ng errors.

Sususugan ng panukalang batas ang RA 8047, o ang Book Publishing Industry Development Act, upang bigyan ng kapangyarihan ang Department of Education (DepEd) na suriin ang mga aklat at mga manuscripts, i-verify  ang actual at contextual accuracy ng nilalaman ng libro at magsagawa ng angkop na pagtatama o correction bago ito ilimbag.

Bukod dito, bibigyan din ng kapangyarihan ang kasalukuyang National Book Development Board, na mag-isyu ng mga tiyak na mga panuntunan at regulasyon sa pag-publish ng educational books.

Kasama sa mga patakarang ito ang pagpapataw ng administrative penalties, standards, at procedures sa pag-review ng textbooks at manuscripts, mekanismo sa pagtatama ng mga factual error, inaccuracies, at iba pang kamalian nang hindi nababago ang editorial style.

Sa ilalim rin ng naturang panukala, inaatasan ang National Book Development Board na magtatag ng isang pampublikong silid-aklatan na may WIFI access, na hindi bababa sa 100 megabits bawat segundo sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa, bilang bahagi ng isang National Public Library Development Program na ipatutupad sa loob ng pitong fiscal years.

YOU MIGHT ALSO LIKE