Ilang mambabatas, naniniwalang naaayon sa batas ang pagbili ng PS-DBM ng COVID PPE
By Kathleen Forbes - September 15, 2021 , 4:48 pm

Kumbinsido ang ilang mambabatas na naaayon sa batas ang pagbili ng Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) sa COVID-19 personal protective equipment (PPE).

Ayon kay AKO BICOL Partylist Representative Alfredo Garbin Jr., malinaw na na-establish sa pagdinig na ang pagbili ng PPE at face mask ay naaayon sa batas.

Sinegundahan naman ito ni KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo, at sinabi na consistent ang proseso ng pagbili salig sa Bayanihan 1 Law.

Kung matatandaan, nakapaloob sa Section 4(K) ng Bayanihan 1, pinahihintulutan ang gobyerno na pumasok sa isang negotiated procurement, at kahit hindi na sundin ang Government Procurement Reform Act.

Katunayan, dapat pa nga anilang papurihan ang Department of Health (DOH) at PS-DBM, sa maagap na pagtugon upang mabigyan ng protective equipment ang mga healthcare worker.

Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na kinailangan nilang hingin ang tulong ng PS-DBM sa procurement, dahil limitado ang kanilang tauhan na magsagawa ng bidding at procurement ng COVID-19 protective equipment.

Dagdag pa ng kalihim, kailangan ng mabilisang aksyon dahil kung hindi ay mas nalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga healthcare worker na tumutugon sa pandemiya.

YOU MIGHT ALSO LIKE