Mga aplikasyon sa CAMP 3 ng apektadong workers sa Alert Level 3 at 4 areas, 22K na
By Racquel Bayan - January 27, 2022 , 5:46 pm

Nasa 22,000 na aplikasyon na para sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP 3) ang natanggap ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang CAMP 3 ang progama ng pamahalaan na layong magkaloob ng P5,000 one time financial assistance, sa mga manggagawang nawalan ng trabaho o naapektuhan ng deklarasyon ng Alert Level 3 at 4 ang kanilang lugar.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, na mula sa bilang na ito 5, 000 na dito ang aprubado na base sa ginawang ebalwasyon ng kanilang regional offices.

Nasa 12,000 pa aniya ang sumasailalim sa evaluation, habang ang natitirang 4,000 naman ay para na lamang sa further verification.

Ayon sa opisyal, sakaling hindi maaprubahan ang aplikasyon ng mga manggagawa hindi aniya dapat na sumuko agad ang mga ito.

Kailangan lamang aniyang alamin kung bakit hindi umusad ang kanilang aplikasyon, at isumite ang mga hinihinging requirement upang muling maikonsidera para sa cash aid.

YOU MIGHT ALSO LIKE