Mga nagbebenta ng substandard at ‘di rehistradong N95 face mask, sasampahan ng kaso, babawian ng business permit
By Racquel Bayan - January 15, 2020 , 4:58 pm

Nagbabala ang Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) laban sa mga tindahang nagbebenta ng substandard o mababang kalidad ng N95 face masks.

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, na marami silang nakitang tindahan ng medical supplies na nagbebenta ng low quality N95 face mask.

Ayon kay Usec. Cayanan, bukod sa paglabag sa Consumers Act, sakaling mapatunayang hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ang kanilang produkto at ibinebenta ito bilang medical supplies, hahainan rin sila ng reklamo ng FDA.

Makikipag-ugnayan rin sila sa local government units (LGUs) upang suspindihin o bawian ng business permit ang mga ito.

Hindi aniya titigil ang pamahalaan sa pagpapanagot sa mga ito.

Kaugnay nito, ipinaliwanag naman ni Health Undersecretary Eric Domingo ang kaibahan ng substandard na N95 sa dekalidad na klase nito.

Aniya, ang low quality na N95 face mask ay manipis, malambot at hindi ganap na napoprotektahan ang ilong at bibig.

Hinihikayat naman ng DOH at DTI ang publiko, na agad ipagbigay alam sa kanilang tanggapan sakaling makabili ng substandard o hindi FDA-registered na N95 masks upang maaksyunan ito.

YOU MIGHT ALSO LIKE