Mga senador, nilinaw na may parusa pa rin ang paglabag sa quarantine protocols sa Bayanihan 2
By Nimfa Mae Asuncion - June 2, 2020 , 12:01 pm

Nilinaw ng mga senador na may karampatang parusa pa rin na ipapataw para sa mga lalabag sa quarantine protocols kahit pa tinanggal na ang penal provision sa panukalang Bayanihan Law 2 o ang panukalang Bayanihan to Recover as One Act.

Ito ang panukalang magpapalawig sa Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act.

Pinabigyang linaw ito ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa naging talakayan ng Mataas na Kapulungan sa naturang panukala.

Giit ni Dela Rosa, dating hepe ng Pambansang Pulisya, kailangang magabayan ang mga law enforcers na hindi ibig sabihin ng pagtatanggal ng penal provision sa batas ay hindi na sila manghuhuli ng mga lalabag sa inilalatag na qurantine measures.

Paliwanag naman ng sponsor ng panukala na si Senador Sonny Angara, tinanggal ang probisyong ito dahil mayroon nang mga kasalukuyang batas na maaaring gamitin para sa mga lalabag sa quarantine protocols.

Kabilang na dito ang Administrative Order ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magpaparusa sa mga pasaway na local government officials; ang Price Act para sa mga mananamantala ng presyo ng mga produktong medikal; Revised Penal Code para sa mga hindi susunod sa mga awtoridad; at ang ang Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases Act.

YOU MIGHT ALSO LIKE