!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Milyong pisong halaga ng pabuya pa sa mga makakahuli ng ninja cops, nananatili – Palasyo
By Racquet Bayan - September 21, 2019 , 11:29 am

Nananatili ang milyong pisong halaga ng pabuya na una nang inialok ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga ninja cop o mga pulis na nagre-recycle ng nakukumpiskang iligal na droga.

Ito ang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, makaraang kumpirmahin sa pagdinig sa Senado, ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong na maraming active PNP officials ang sangkot sa illegal drugs recycling.

Ayon sa kalihim, hindi pa binabawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pabuya para sa ikakaaresto o ikakapatay ng ninja cops.

Aniya, galit na galit si Pangulong Duterte sa mga ninja cop at determinado itong linisin ang hanay ng mga pulis.

Ayon sa kalihim, patuloy ang ginagawa nilang imbestigasyon sa usaping ito, kabilang na ang mga ibinulgar ni Mayor Magalong sa executive session sa Senate investigation.

Matatandaan na taong 2017 nang magpatong ng dalawang milyong piso si Pangulong Duterte sa ulo ng bawat ninja cops.

Isang buwan makalipas nito, iniakyat ng Pangulo sa tatlong milyong piso ang alok nitong pabuya para sa mga makakahuli ng mga tiwalang pulis na ito.

YOU MIGHT ALSO LIKE