Molecular-biologist na si Father Nicanor Austriaco, inalok ni Pres. Duterte na maging kalihim ng DOH kapalit sana ni Sec. Duque
By Alvin Baltazar - December 7, 2021 , 12:12 pm

Diretsahang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Father Nicanor Austriaco Jr. na nais niya itong italaga para maging kalihim sana ng Department of Health (DOH) kapalit ni Secretary Francisco Duque III.

Ginawa ng Pangulo ang pagtumbok kay Austriaco na gusto sana niyang ilagay sa DOH matapos na magpresenta ang eksperto sa Talk to the People kagabi.

Sinabi ng Chief Executive na masaya siya kung maitatalaga niya si
Austriaco bilang DOH chief sabay tanong kung Ok lang ba ito sa molecular biologist.

Gayunman, agad na tinanggihan ni Austriaco ang alok at sinabing mas gugustuhin niyang manatili si Duque sa kanyang puwesto gayung nagagampanan naman nito ng maayos ang kanyang trabaho.

Pero giit ng Pangulo, noon pa nais ni Duque na umalis sa puwesto kaya lang ay pinipigilan niya ito kaya nananatili ito sa kagawaran.

Sinang-ayunan naman ni Duque ang naging takbo ng usapan partikular ang matagal nang kagustuhan nitong umalis sa DOH.

Matatandaang dati na ding nabanggit ng Punong Ehekutibo na gusto nang kumalas ni Duque sa ahensya dahil sa mga alegasyon na may kinalaman sa pagbili ng COVID equipment ngunit paulit-ulit ding sinabi ng Pangulo na huwag itong aalis sa puwesto gayung hindi aniya nawawala ang kanyang pagtitiwala dito.

YOU MIGHT ALSO LIKE