National gov’t housing project sa Muntinlupa, isinailalim sa 14-day curfew
By Hajji Kaamiño - July 4, 2020 , 11:47 am

Magpapatupad ng 24-hour curfew ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa Southville 3 sa Barangay Poblacion dahil sa pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Batay sa Barangay Resolution Number 29, isasailalim ang national government housing project sa 14-na araw na curfew simula ngayong araw hanggang sa July 17.

Lahat ng residente sa Southville 3 ay hindi maaaring makalabas ng bahay maliban na lamang kung may emergency, bibili ng pagkain o gamot basta’t makapagpresenta ng quarantine pass, nagtatrabaho sa industriya at establisimiyento na pinayagang mag-operate sa ilalim ng General Community Quarantine  (GCQ) at kung isang Authorized Person Outside of Residence.

Binanggit din sa resolusyon na nakakaalarmang lumobo sa 27 ang COVID-19 cases sa naturang komunidad sa loob lamang ng 15-araw habang naka-GCQ ang barangay.

Suportado umano ng mga residente ang implementasyon ng 24-hour curfew upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Kamakalawa ay umakyat sa 32 ang tinamaan ng COVID-19 sa Southville 3 na siyang pinakamataas sa Barangay Poblacion o katumbas ng 40.5 percent.

YOU MIGHT ALSO LIKE