Pagkasira ng mga pananim na kape, cacao sa Batangas, ‘di makakaapekto sa kabuuang suplay nito sa bansa – DA
By Racquel Bayan - January 15, 2020 , 5:34 pm

Ipinaliwanag ng Department of Agriculture (DA) na hindi makakaapekto sa pangkalahatang suplay ng kape at cacao sa bansa ang pagkasira ng mga pananim na ito sa Batangas dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Taal.

 

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan, na ito ay dahil, unang-una hindi naman 100% na nakadepende ang bansa sa local produce ng cacao at kape.

Ikalawa aniya, bagamat kilala ang Batangas sa kapeng Barako mayroon aniyang iba’t ibang kalidad ang kape, tulad ng liberica, arabica at robusta, at sa Batangas ay halo-halo aniya ang pananim doon.

Bukod dito, marami pa ring ibang napagkukunan ng kape at cacao tulad sa Davao, Mindanao at maging ang highlands tulad ng Baguio.

Ayon kay Usec. Cayanan, 10.91% ng naapektuhang pananim sa Batangas ay kape habang 0.03% naman ang Cacao.

Sa P21.7 million worth na crops at livestock na ipamamahagi ng DA sa 17 LGUs sa Batangas, kabilang dito ang limang libong mother plants ng kape at isang libong cacao seedlings.

YOU MIGHT ALSO LIKE