!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Panukalang 2020 nat’l budget, mararatipikahan na sa susunod na linggo – SP Sotto
By Nimfa Asuncion - December 3, 2019 , 6:33 pm

Target ng Senado na maratipikahan na sa susunod na linggo ang panukalang ₱4.1 trillion na pambansang pondo para sa susunod na taon.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, makakamit yan kung wala nang magiging gusot sa ginagawang Bicameral Conference Committee meeting sa pagitan ng dalawang kapulungan ng kongreso.

Kumpiyansa ang senate president, na on track sila sa pagpapasa ng panukalang pondo, kaya’t maaaring pagbalik nila ng sesyon simula December 9 ay posible na itong maratipikahan at maipasa kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Tiwala rin itong hindi na mauulit ang nangyaring impasse sa pagitan ng senado at kamara dulot ng ₱95 billion na halaga ng post-ratification insertions sa 2019 national budget.

Ayon kay Sotto, maayos ang tinatakbo ng bicam meetings sa ngayon.

Wala pa aniyang naiuulat sa kanya si Senate Finance Committee Chairperson Sonny Angara, na hindi pagkakasundo sa pagitan ng senado at kamara tungkol sa mga panukalang ammendment ng dalawang kapulungan sa 2020 General Appropriations Bill (GAB).

Kahapon, nagpulong ang dalawang lider ng bicam panel na sina Angara at House Appropriations chair Isidro Ungab upang talakayin ang magkaibang probisyon sa GAB versions ng senado at kamara.

YOU MIGHT ALSO LIKE