!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Panukalang magbibigay proteksyon sa mga freelance workers sa bansa, isinusulong sa Senado
By Nimfa Mae Asuncion - December 5, 2019 , 6:41 pm

Naghain si Senador Joel Villanueva ng panukalang batas na layong protektahan ang mga freelance worker mula sa pang-aabuso at pananamantala.

Ayon kay Villanueva, kailangan na ng batas para matiyak ang kapakanan ng mga freelance worker lalo’t ang Pilipinas ay ikinukunsidera bilang isa sa mga fastest growing market para sa mga freelancer sa buong mundo.

Sa Senate Bill 153 na inihain ng chairperson ng Senate Committee on Labor, minamandato ang mga indibidwal o kumpanyang kumukuha ng serbisyo ng mga freelancers na magkaroon ng written contract kung saan nakalagay ang trabahong dapat matapos, sweldo, at ang mga kondisyon sa kanilang pagtatrabaho.

Kabilang rin sa mga probisyon ng panukala ay ang pagbabayad sa serbisyong ibinigay ng freelancer sa loob ng 30-araw matapos nilang matapos ang kanilang kontrata.

Giit ni Villanueva, sa kabila ng patuloy na dumadami ang mga freelance worker sa bansa mismong si Labor Secretary Silvestre Bello ang nagsabing walang akmang labor standard na nakakasakop sa kanila.

Sa pamamagitan aniya ng panukalang batas na ito ay magkakaroon na ng mga panuntunang akma sa ating panahon ngayon at para sa makabagong uri ng manggagawa.

YOU MIGHT ALSO LIKE