Parañaque City gov’t, naglunsad ng donation hub para sa mga biktima ng pag-aalburoto ng Taal Volcano
By Hajji Kaamiño - January 15, 2020 , 4:29 pm

Nagtayo ng donation hub ang lokal na pamahalaan ng Parañaque City para sa mga nais magbahagi ng tulong sa mga biktima ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Matatagpuan ang hub sa Auxiliary Rescue Base ng Parañaque City Hall na nagsimula nang tumanggap ng relief goods at iba pang donasyon ngayong araw.

Kabilang sa mga prayoridad na relief items para sa mga evacuees ay ang inuming tubig, ready-to-eat meals, hygiene kits, kumot, tarpaulin o anumang trapal at face mask.

Umapela rin ang LGU sa mga nais tumulong na huwag nang magbigay ng laruan at mga damit na hindi gaanong kailangan tulad ng gown, panlamig at lingerie.

Sasailalim anila sa masusing proseso ang mga donasyon para masigurong lahat ay makakarating sa mga bakwit at matupad ang sinserong layunin na kahit paano ay maibsan ang hirap na kanilang dinaranas.

Bukas ang donation hub ng lungsod mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

YOU MIGHT ALSO LIKE