PNP Chief sa publiko: Limitahan sa family bubble ang pagtitipon
By Leo Sarne - December 7, 2021 , 12:05 pm

Nanawagan si Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos sa publiko na limitahan lang sa family bubble ang mga pagtitipon ngayong Pasko.

Ito’y sa gitna na rin ng pangamba na muling sumipa ang mga kaso ng COVID-19 dahil sa inaasahang mga Christmas party na tradisyonal na bahagi ng pagdiriwang ng Pasko.

Una na ring nagpahayag ng suporta ang PNP chief sa panawagan ng Department of Health (DOH) na isagawa na lang ang tradisyonal na pagdiriwang ng Pasko sa pamamagitan ng “online parties”.

Pero sinabi ni General Carlos na kung hindi rin lang maiwasan na magsagawa ng pisikal na Christmas party, mas makabubuti na limitahan lang ito sa mga malalapit na kapamilya at kaibigan na bakunado na rin laban sa COVID-19.

Dagdag pa ng PNP chief, mahigpit na imo-monitor ng PNP ang mga pagtitipon sa mga pampublikong lugar para masiguro na nasusunod pa rin ang mga minimum public health standards.

YOU MIGHT ALSO LIKE