PNP, magbibigay ng tig-P10,000 sa bawat pulis na apektado ng pag-aalburoto ng Taal 
By Leo Sarne - January 15, 2020 , 4:38 pm

Ipinag-utos ni Philippine Narional Police (PNP)  Officer-in-Charge P/Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa ang pagpapalabas ng tig-P10,000 sa bawat pulis na apektado ng pag-aalburoto ng Taal Volcano.

Ayon kay Gamboa, may 278 na pulis din sa PRO Calabarzon, kasama ang kanilang mga pamilya, na kabilang sa mahigit 50,000 indibidwal na naapektuhan sa kasalukuyan.

Hindi aniya inaasahan ng pamunuan ng PRO-4A na mag-duty ang mga pulis na ito, at ang instructions sa kanila ay asikasuhin na muna ang kaligtasan ng kani-kanilang pamilya.

Pero sinabi ni Gamboa na meron na rin ilan sa mga pulis na ito ang nag-report for duty.

Bilang tulong aniya ng pamunuan ng PNP sa mga pulis na apektado, tig-P10,000 o kabuuang P2.78-milyong piso ang ire-release ng National Headquarters sa Regional Director para maipamahagi sa mga naturang pulis.

Dagdag ni Gamboa, ang boluntaryong kontribusyon naman ng mga pulis na tig-P10  bawat isa ay nakalaan naman bilang tulong para sa mga sibilyang biktima ng pagsabog ng Taal.

YOU MIGHT ALSO LIKE