!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Rep. Yap sa PSA, DFA: Maghigpit sa pagbibigay ng birth certificate at passport
By Kathleen Forbes - November 8, 2019 , 4:39 pm

Kinakalampag ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap ang pamunuan ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Foreign Affairs (DFA) na higpitan ang pag-iisyu ng birth certificates at passports.

Ito ay matapos tulungan ng ACT-CIS ang isang distressed OFW sa Saudi.

Ayon kay Rizelyn Andoy, pineke ng isang agent, na nakilala niya sa Compostela Valley, ang kanyang birth certificate para maging dalawampu’t isang taong gulang siya sa kanyang passport, at maging kwalipikado na magtrabaho bilang OFW.

Pinangako raw sa kanya na hindi siya mapapahamak sa pagpepeke ng kanyang edad.

Dagdag pa ni Rizelyn, hindi lang siya ang may ganitong kaso. Marami silang naging biktima ng mga manlolokong ahensiya na pinapadala sa ibang bansa na hindi tunay ang mga dokumento.

Dahil dito, nais ni Go na imbestigahan ni DFA Sec. Teodoro Locsin, Jr., ang posibleng katiwalian sa DFA-Cotabato, at kung bakit nakalusot sa kanila ang pekeng birth certificate.

Nanawagan naman ang kongresista sa PSA na dagdagan ng security features ang birth certificate na ini-isyu, at gawan nang paraan na maberipika ng iba pang mga ahensya ang authenticity nito.

YOU MIGHT ALSO LIKE