Sibutu at Balabac Strait, mistulang pag-aari na ng China – Sec. Lorenzana
By Leo Sarne - August 15, 2019 , 8:31 am

Mistulang pag-aari na ng China ang Sibutu Strait sa Tawi-Tawi at Balabac Strait sa Palawan.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasabay ng pagsabi na tila “wa epek” ang pangako ng Chinese ambassador na ipapaalam ng China sa Pilipinas ang pagdaan ng kanilang mga barkong pandigma sa teritoryo ng bansa.

Ang pahayag ni Lorenzana ay kaugnay ng napaulat na panibagong pagdaan ng mga Chinese warships ng limang beses sa teritoryo ng bansa ng walang paalam, dalawang beses noong Hulyo at tatlong beses nitong Agosto.

Ito’y matapos unang ireklamo ni Lorenzana sa Chinese ambassador ang unang apat na beses na pagpasok sa teritoryo ng bansa ng mga Chinese warships mula Pebrero.

Ayon kay Lorenzana, lahat ng mga barkong pandigma ng mga ibang bansa ay sumusunod sa “international norms” at nagpapaalam sa Pilipinas kapag pumapasok sa teritoryo ng bansa, at ang China lang ang hindi tumatalima.

Dagdag ni Lorenzana, hindi na nga nakipag-communicate sa local authorities ang mga barkong pandigma ng China, pinatay pa nila ang kanilang automatic identification System o AIS para hindi sila ma-detect.

YOU MIGHT ALSO LIKE