2 buwang palugit sa renewal ng lisensya sa baril, kinukunsidera ng PNP
By Leo Sarne - June 2, 2020 , 7:05 am

Kinukunsidera ng Philippine National Police (PNP) na magbigay ng dalawang buwang palugit sa mga nag-expire na lisensya at permit ng mga baril.

Ayon kay PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa, sa ngayon ay walang ipapataw na penalty para sa mga lisensya at permit na nag-expire mula March 17 hanggang May 31, sa panahon ng Enhanced Community Quarantine.

Pero payo ni Gamboa sa mga aplikante na ayusin ang kanilang mga expired na lisensya sa lalong madaling panahon.

Sinabi ni Gamboa na simula June 4, “by appointment” na ang pagsasaayos ng mga dokumento sa mga tanggapan sa ilalim ng PNP Civil Security Group.

Kasama dito ang Firearms & Explosives Office (FEO), Supervisory Office for Security & Investigation Agencies (SOSIA), Highway Patrol Group (HPG) at ang One Stop Shop.

Paalala ni Gamboa sa mga magre-renew na magtutungo sa Camp Crame, dapat munang lumagda sa isang Contact Tracing Form sa gate, papipirmahan ito sa makakausap na tauhan ng PNP at saka ito iiwan bago lumabas ng kampo.

Paliwanag ni Gamboa, ito ay para mapabilis ang contact tracing sakaling magpositibo sa COVID 19 ang aplikante at upang mapag-ingat ang mga nasa loob ng Kampo mula sa banta ng nasabing virus.

YOU MIGHT ALSO LIKE