ASG negotiator sa pamumugot ng 2 Canadian, arestado ng AKG
By Leo Sarne - October 18, 2021 , 12:44 pm

Naaresto ng Philippine National Police (PNP)-Anti Kidnapping Group (AKG) ang negotiator ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa pagdukot at pamumugot noong 2016 ng dalawang Canadian.

Sa ulat ni PNP-AKG Director Police Brig. Gen. Rudolph Dimas kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, kinilala ang arestadong suspek na si Adzrimar Sali Ammat, alias “Abu Omar”, 30, ng Tabu Batu, Maimbung Sulu

Naaresto ang suspek noong Biyernes sa Barangay Kampo Islam, Lower Calarian, Zamboanga City, sa bisa ng Warrant of Arrest para sa Kidnapping and Serious Illegal Detention.

Si Abu Omar ang negotiator sa pagdukot ng ilang mga dayuhan sa Holiday Oceanview Resort sa Samal, Davao Del Norte noong Setyembre 2015, kabilang ang mga Canadian na si John Ridsdel at Robert Hall, Norwegian Kjartan Sekingstad, at Pilipinang si Maritess Flor.

Si Ridsdel ay pinugutan ng ASG noong Abril 2016 at ganoon din si Hall noong Hunyo 2016; Habang si Sekingstad at si Flor ay pinakawalan noong Hunyo, 2016.

Ilan pa sa mga nakalayang kidnap victims ang positibong nagturo kay Omar bilang kanilang kidnapper.

YOU MIGHT ALSO LIKE