Eleazar sa NCR commanders: Magpakalat ng dagdag na pulis kung kinakailangan
By Leo Sarne - October 18, 2021 , 10:20 pm

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang mga Police commanders sa Metro Manila na makipag-ugnayan sa local government units (LGUs) para sa pagde-deploy ng dagdag na pulis kung kinakailangan, para masigurong nasusunod pa rin ang health protocols.

Ito’y sa gitna ng pagdagsa ng mga tao sa iba’t ibang pampublikong lugar sa unang dalawang araw ng pagpapatupad ng mas mababang COVID Alert Level 3 sa Metro Manila.

Ayon kay Eleazar, naging kapansin-pansin ang pagtungo ng maraming tao sa mga simbahan, sa Dolomite Beach at sa Baywalk, sa Marikina River Park, sa Quirino Grandstand, at sa Mall of Asia grounds nitong weekend.

Paalala ni Eleazar, ang pagluluwag sa mga restrictions ay hindi dahilan para balewalain ang health and safety protocols.

Babala ni Eleazar, ang hindi pag-iingat ay posibleng pagmulan ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Nanawagan ang PNP chief sa publiko na para magtuloy-tuloy ang pagbaba ng bilang ng tinatamaan ng COVID-19, kailangang mapairal pa rin ang disiplina at pagsunod sa mga panuntunan sa ilalim ng Alert Level 3.

YOU MIGHT ALSO LIKE