Hiwalay na pasilidad para sa heinous crime convicts, nakakuha ng suporta mula sa Malacañang
By Nimfa Mae Asuncion - July 10, 2020 , 7:54 pm

Nakatanggap ng suporta mula sa mga senador at sa Malacañang ang panukalang ilipat sa mga regional penitentiary ang mga heinous crime convicts ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

Ito ay bilang isa sa mga paraan na ma-decongest ang National Bilibid Prison (NBP).

Ayon kay Sotto, ito ay spin-off ng kanyang panukala na magtayo ng penal facilities sa lahat ng mga rehiyon para mapaluwag ang NBP.

Iminungkahi rin aniya ng Malacañang na magtayo ng mga penitentiary sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Sa Luzon, iminungkahing itayo ito sa Nueva Ecija malapit sa Fort Magsaysay Military Reservation sa Laur.

Sa Visayas naman aniya ay ipinanukalang itayo ito sa Jamindan, Capiz malapit sa Camp General Macario Peralta, habang sa Mindanao naman ay iminungkahing itayo ang penitentiary sa Panabo City, Davao del Norte kung nasaan ang Davao Penal Colony.

Dagdag pa ni Sotto na isa pang pasilidad para sa mga high-profile drug convicts ang itatayo, marahil sa Region 4.

Matatandaang noong nakaraang taon ay nirekomenda ng Senate Justice and Human Rights, Public Order and Dangerous Drugs, at Finance Committees, sa ilalim ng Committee Report 5, ang pagtatayo ng hiwalay na kulungan para sa mga heinous crime convicts.

Sa ngayon ay naghihintay pa ito ng pinal na aksyon ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

YOU MIGHT ALSO LIKE