Lolong akusado sa pagnanakaw ng mangga, di ikinulong — PNP Chief
By Leo Sarne - January 20, 2022 , 4:29 pm

Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Dionardo Carlos, na hindi ikinulong ang 80 taong gulang na lolo na akusado sa pagnanakaw ng mangga sa Asingan, Pangasinan.

Ang paglilinaw ay ginawa ng PNP Chief, matapos na mag trending sa social media ang pag aresto ng Asingan PNP sa lolo na si Narding Floro.

Ayon sa PNP Chief, bagamat inaresto ng mga tauhan ng Asingan PNP ang lolo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte, ay hindi ito literal na ipinasok sa kulungan.

Sa halip aniya ay isinailalim lang ng mga pulis sa kanilang kustodiya si Lolo Narding, habang naghihintay na makapagpiyansa bilang konsiderasyon sa kanyang kalagayan.

Ayon pa kay PGen. Carlos, nang malaman niya ang sitwasyon, siya na sana ang magbabayad sa piyansa ni Lolo Narding pero naunahan siya ng mga pulis ng Asingan PNP, na nag-ambagan para makapagpiyansa ang matanda.

Paliwanag ng PNP Chief, ginawa lang ng mga pulis ang utos ng korte na arestuhin ang lolo, pero nanatili sa kanilang hanay ang “compassion” sa mga taong nangangailangan ng tulong.

Matatandang inireklamo si Lolo Narding dahil sa umano ay pamimitas nito ng 10 kilo ng mangga sa puno, na siya naman daw ang nagtanim at alam niyang sakop nang kanyang bakuran.

YOU MIGHT ALSO LIKE