Mga lider at miyembro ng cause-oriented groups na nanggulpi ng pulis at nagnakaw pa ng gamit nito, kakasuhan ng QCPD
By Rey Ferrer - July 12, 2020 , 2:05 pm

Patong-patong na kaso ang isasampa ng Quezon City Police District (QCPD) sa mga lider at miyembro ng mga militanteng grupo na nambugbog sa isang pulis at pinagnakawan pa ng gamit sa Quezon City kahapon.

Ayon kay QCPD Director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo, pasado alas-10:30 kahapon ng umaga nang magsagawa ng protest rally ang humigit kumulang na 150 militanteng grupo sa compound ng Commission on Human Rights.

Base sa imbestigasyon, nasa lugar din ang biktima, si Police Chief Master Sargeant Feliciano Evangelio, na nakatalaga sa District Special Operations Unit sa Camp Karingal kasama ang apat pang pulis para sa peacekeeping at monitoring sa kilos-protesta.

Sinadya umanong gulpihin ang pulis ng ipag-utos ng ilang lider militante at pagkatapos kinuha ang kanyang kagamitan kabilang ang kanyang baril, dalawang magazines na puno ng bala, wallet na naglalaman ng mga IDs at cash na P5,000, relo, at iPhone 6.

Kabilang sa mga sasampahan ng kaso ay sina Bryan Gonzales, lider ng Karapatan, Kara Levina Taggaoa, lider ng League of Filipino Students, Larry Balbuena, presidente ng Pasada Piston at iba pang lider at miyembro ng Bayan Muna, Anakpawis, Sanka, Lumad, Save our School Network, at Kabataan partylist.

Kasong Robbery, Physical Injury, Direct Assault, Grave Coersion, paglabag sa RA11332 at paglabag sa RA 146 at Illegal Assembly ang isasampa laban sa kanila ng QCPD.

YOU MIGHT ALSO LIKE