Mga pulis, hiniling na mapasailalim sa mental at emotional evaluation
By Kathleen Jean Forbes - October 18, 2021 , 10:00 am

Pinasasailalim ni House Assistant Majority Leader Niña Taduran sa mental at emotional evaluation ang lahat ng pulis sa buong bansa.

Kasunod ito ng isang insidente sa Mabalacat, Pampanga kung saan isang babaeng motorcycle rider ang hinarang sa checkpoint at umano’y ginahasa ng pulis na nagbabantay doon.

Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng insidente ng pang-aabuso ang ilang law enforcers na nakatalaga sa mga checkpoints.

Paalala ng ACT-CIS representative, na itinatag ang mga checkpoints para maipatupad ang seguridad at maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Umaasa ang lady solon na maikukunsidera ng Philippine National Police ang mental, emotional, at kahit ang physical evaluation sa mga tauhan sa buong bansa upang malaman kung “fit” ang mga ito sa pagtupad ng tungkulin.

Pinapurihan naman ni Taduran si PNP Chief General Guillermo Eleazar sa agarang pagbubukas ng imbestigasyon kaugnay sa insidente.

Kasabay nito ay nanawagan din ang kongresista sa mga biktima na lumantad at maghain ng kaukulang kaso upang matulungan din na malinis ang hanay ng pulisya na nang-aabuso.

YOU MIGHT ALSO LIKE