!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Paghiwalay ng IAS sa PNP, ipauubaya sa Kongreso
By Leo Sarne - October 22, 2019 , 10:55 am

Ipinauubaya na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa Kongreso kung ihihiwalay ang PNP-Internal Affairs Service sa PNP.

Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni OIC PNP Chief PLt. Gen. Archie Gamboa, na ang batas ang nagtatakda na nasa ilalim ng Chief PNP ang PNP-IAS, kaya ang kongreso ang may kapangyarihan na baguhin ito.

Pero habang hindi pa nababago ang batas, sinabi ni Gamboa na pinag-aaralan rin nila ang hiling ng PNP-IAS na mabigyan ng adjudicatory power at hiwalay na pondo.

Sinabi ni Gamboa, na hindi lang naman IAS ang nag-iimbestiga sa mga pasaway na pulis, andyan din ang Ombudsman, Peoples Law Enforcement Board (PLEB), local chief executive, National Police Commission (NAPOLCOM) at iba pa.

Samantala, nilinaw naman ni PMGen. Lyndon Cubos ng Directorate for Personnel and Records Management (PNP-DPRM), na hindi totoo na mas matagal ang proseso ng mga iniimbestigahang pulis noong panahon ni dating PNP Chief PGen. Oscar Albayalde kaysa noong panahon ni Senator Ronald Dela Rosa.

Mababatid na sinabi ni IAS Inspector General Alfegar Triambulo, na pabor siya sa nais ni PBA Partylist Representative Jericho Nograles, na maamyendahan ang Republic Act 8551 o Philippine National Police Reform Reorganization Act of 1998, upang ihiwalay ang IAS sa PNP sa pamamagitan ng House Bill 3065.

YOU MIGHT ALSO LIKE