PNP, handa na para sa General Community Quarantine — PNP Chief
By Leo Sarne - June 1, 2020 , 6:37 am

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Francisco Gamboa na handa na ang PNP para sa pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) simula ngayong araw na ito.

Sinabi ni Gamboa na may orders na ang kanilang mga tauhan partikular sa Metro Manila na i-extend ang “maximum assistance” sa mga mamamayan na balik-trabaho na simula ngayong araw.

Nilinaw ni Gamboa na sa kabila ng bahagyang pagluluwag sa ilalim ng GCQ, ipatutupad pa rin ang mga minimum health standards na itinakda ng Interagency Task Force on the Management of Merging Infectious Diseases (IATF-MEID).

Kabilang dito ang mga checkpoints, curfew, travel restrictions, at mahigpit na pag-obserba sa physical distancing.

Samantala, iniurong sa June 4 ang pagbubukas ng mga frontline services ng PNP-Civil Security Group, kabilang ang Firearms and Explosives Office (FEO), Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA), One-Stop-Shop Office (OSS), at Regional Civil Security Units (RCSUs).

Paliwanag ni Gamboa, dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa Camp Crame bukas, kailangang i-control ang pedestrian at vehicular traffic sa loob ng kampo bilang konsiderasyon sa kaligtasan ng PNP personnel.

YOU MIGHT ALSO LIKE