PNP helpline 16677, naaksiyunan ang mahigit sa 300 sumbong sa loob ng 2 araw
By Leo Sarne - June 2, 2020 , 11:01 am

Naaksyunan ng Philippine National Police (PNP) Helpline 16677 ang 304 na tawag mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa loob ng dalawang araw na operasyon.

Ito ang iniulat ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa, matapos ilunsad ang HELPLINE 16677 para sa mga katanungan o reklamo ng mga mamayan ukol sa ipinatutupad na general community quarantine o GCQ.

Sinabi ni Gamboa, na ang HELPLINE 16677, ay magsisilbing “quick response” mechanism ng PNP para sa mga mamamayan na mangangailangan ng tulong, at paglilinaw sa mga bagong regulasyong ipinatutupad sa GCQ.

Samantala, iniulat naman kay Gamboa ni PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force Covid Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, na sa loob ng nakalipas na 75 araw na ipinairal ang enhanced community quarantine o ECQ, 8,102 tawag naman ang kanilang natanggap sa JTF Operation Center Hotlines na 09988490013 (S), 09175382495 (G) and (02) 87253176.

Ayon kay Eleazar, nag-average sa 106 na tawag text at email ang natatanggap ng JTF Covid Shield araw-araw, mula March 17 hanggang May 31.

Hiningi naman ni Gamboa ang pang-unawa ng publiko, sa mga ipinatutupad na regulasyon para sa kaligtasan ng karamihan mula sa COVID- 19, at tiniyak na laging bukas ang PNP sa pamamagitan ng Helpline 16677 para sa ano mang katanungan, reklamo o request for Assistance ngayong umiiral na ang GCQ.

YOU MIGHT ALSO LIKE