PNP, tiniyak na walang ‘padrino system’ sa recruitment
By Leo Sarne - December 6, 2021 , 8:51 pm

Sinegundahan ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni dating PNP Chief at ngayo’y senatorial candidate retired General Guillermo Eleazar na wala nang “padrino system” sa recruitment ng PNP.

Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, wala nang pagkakataon para mang-impluwensya ang mga “third parties” sa kasalukuyang sistema na paggamit ng “QR code” sa pagproseso ng mga aplikasyon.

Ang mga aplikante na nakapasa sa physical at psychological exam ay bibigyan ng QR code na maari nilang gamitin sa pag-track ng progreso ng kanilang aplikasyon.

Giit ng PNP chief, dahil sa “nameless at faceless” ang QR code ng mga aplikasyon ang pagproseso nito ay tanging ibabase sa kakayahan ng mga kandidato.

Babala ng PNP chief, kung meron mang mga ulat ng pang-iimpluwensya sa mga aplikasyon, iimbestigahan ito ng PNP Internal Affairs Service, at mananagot ang mga mapapatunayang sangkot dito.

YOU MIGHT ALSO LIKE