Anti Terrorism Act, isa nang ganap na batas
By Racquel Bayan - July 4, 2020 , 7:06 am

Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti Terrorism Act of 2020 o Republic Act 11479, ang batas na magpapalakas sa laban ng pamahalaan kontra terorismo.

Base sa depinisyon ng mga Terrorist Individuals na nakapaloob sa batas, ito ay ang mga sumusunod:

Mga indibidwal na nakikibahagi sa mga aktibidad na: Layong magdulot ng pagkasawi o seryosong pagkasugat ng iba, pagkasira ng government o public facility, public place o private property. Kabilang din dito ang mga nagdi-develop, nagma-manufacture, nagmamay-ari, nagbibyahe o gumagamit ng mga armas, pampasabog mapa biological, nuclear, radiological o chemical weapon man. At ‘yung mga nagri-release ng delikadong substance na lilikha ng sunog, pagbaha o pagsabog.

Ang mga indibidwal na magbabantang gumawa ng alinman sa nabanggit na uri ng terorismo, at ‘yung mga maituturing na Accessory o ‘yung mga hindi direktang nakibahagi sa terorismo ngunit umasiste sa mga offender, o nagsira sa mga ebidensiya o tumulong upang makatakas ang mga terorista, ay makukulong ng hanggang 12 taon.

Ang mga magkikibahagi sa pagpaplano, paghahanda at pagpa-facilitate ng terorismo at nagtataglay ng mga bagay na mayroong kinalaman sa preparasyon nito o nagkukolekta ng mga dokumento para dito, maging ang mga makikipagsabwatan para sa terorismo, magri-recruit at aanib dito at maging ang Foreign Terrorist, sa oras na mapatunayang guilty ay mapaparusahan ng life imprisonment at hindi pasok sa Parole o RA 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Ang mga indibidwal na walang direktang parte sa terorismo ngunit nag-udyok nito sa pamamagitan ng pahayag, proklamasyon, mga kasulatan, emblems, banners, o iba pang representasyon na layong manghimok ng terorismo ay makukulong ng 12 taon.

Hindi naman kabilang sa mga iku-konsiderang terorismo ang mga protesta, adbokasiya, tigil-trabaho, industrial o mass action at iba pang paggamit ng civil ang political rights na walang intensyong magdulot ng seryosong banta sa public safety, banta sa buhay ng iba, pagkasawi o pagkasugat ng iba.

Sakali naman na isang public official o public employee ang mapapatunayang guilty sa terorismo, sasampahan ito ng administrative offense of grave misconduct, disloyalty to the Republic of the Philippines and the Filipino People at parurusahan sa pamamagitan ng dismissal sa serbisyo, kanselasyon ng Civil Service Eligibility, pagbawi ng retirement benefits at ganap na diskwalipikasyon sa pagtakbo sa elective office o pagupo sa anomang public office.

Ang 60-90 days Surveillance, Interception at Recording ng komunikasyon ng mga hinihinalang terorista ay maisasakaruparan lamang kung mayroong written order mula sa Court of Appeals. Pinapayagan ng batas ang mga law enforcement agencies at militar na makinig, mag-record, magbasa o kumulekta ng impormasyon o pag-uusap sa pagitan ng mga judicially declared at outlawed terrorist organizations. Hindi naman pinapayagan i-wiretap ang confidential communication sa pagitan ng mga abugado at kliyente, doktor at pasyente at journalist at sources ng mga ito.

Sinomang magbubura o sisira ng mga tapes, recordings o notes ay makukulong ng 10 taon.

Pinapayagan rin ng batas ang pag-aresto sa mga suspected terrorist na walang arrest warrant at pagdiditena kahit wala pang naisampang kaso, nang hanggang 24 na araw.

Ipinagbabawal rin sa batas ang Extraordinary Rendition o ‘yung pagpapadala sa ibang bansa ng sinomang indibidwal na suspected o convicted na dahil sa terorismo.

Ang mga law enforcement agent naman na lalabag sa karapatan ng detainee ay makukulong ng 10 taon.

Napapaloob rin sa batas ang pagbuo ng Anti Terrorism Council (ATC) na siyang titiyak na epektibo at angkop na maiimplementa ng batas na ito. Tatayong Chairperson ang Executive Secretary, Vice Chair naman ang National Security Adviser, ang NICA ang magsi-silbing Secretariat ng ATC, habang miyembro naman nito ang mga kalihim ng DFA, DND, DILG, DOF, DOJ, DICT at AMLC.

Ang Commission on Human Rights (CHR) ang inatasan na magbigay ng pinakamataas na prayoridad sa imbestigasyon at proseksyusyon ng mga paglabag sa civil at political rights ng mga indibidwal kaugnay sa implementasyon ng batas na ito.

Nilagdaan ng pangulo ang batas ika-3 ngayong buwan ng Hulyo, 2020. At maging epektibo 15 araw matapos opisyal na mailathala sa mga pahayagan.

YOU MIGHT ALSO LIKE