!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Bureau of Immigration Davao employees, magpapadala ng 20K na N95 face masks sa mga apektado ng Bulkang Taal
By Armando Fenequito - January 15, 2020 , 11:22 am

Magpapadala ng 20,000 N95 face masks ang mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI) Davao City sa mga indibidwal na apektado ng ash fall bunsod ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas.

Inihayag ni Bureau of Immigration Davao City Alien Control Officer Sittie Alonto, sa panayam ng Radyo Pilipinas Davao, matapos lumabas ang balita ng pagsabog ng bulkan noong Linggo, agad silang nag ambag-ambag at humingi rin ng tulong sa kanilang mga kaibigan at kakilala para sa pambili ng mga face mask.

Paliwanag ng opisyal, ito ang kanilang maliit na paraan para makatulong sa mga nasalanta ng pagsabog ng naturang bulkan sa nasabing probinsya.

Sinabi din nito, na may ilan rin sa kanilang mga kasamahan sa Bureau of Immigration ang naging biktima ng naturang sakuna na ngayon di umano’y nakatira sa evacuations center.

Ayon kay Alonto, ipapadala nila ngayong araw sa kanilang national office ang naturang mga mask para ihatid ito sa mga apektadong pamilya sa mga lungsod ng Tanauan, Talisay at iba pang mga apektado sa naturang lalawigan at kalapit nitong lugar .

Nanawagan din ang opisyal ng iba pang mga donasyon, gaya ng pagkain at tubig para pandagdag tulong sa mga pamilyang apektado ng patuloy na pag aalburoto ng bulkan.

YOU MIGHT ALSO LIKE