!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Pagtiyak ng pagiging epektibo ng K to 12 program, ipinauubaya sa Kongreso
By Alvin Baltazar - October 22, 2019 , 10:42 am

Bahala na ang mga mambabatas sa pag-alam kung naging epektibo ba ang implementasyon ng K to 12 education program sa bansa na napagtibay ng nagdaang Aquino Administration.

Ito ang pahayag ng Palasyo, sa gitna ng lumabas na concensus sa Kongreso na kailangang masuri ang naturang programa at malaman ang kinahinatnan nito magmula ng ito ay maipatupad noong school year 2012 to 2013.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, ipinauubaya na nila sa “wisdom” ng Kamara ang patungkol sa isyu ng pag-aaral upang malaman kung naging epektibo ito.

Binigyang diin ni Panelo, na hindi manghihimasok ang Malacañang sa usapin, sa harap na rin ng umano’y pagnanais ng ilan na ito ay ibasura na lamang, dahil na rin sa pagkuwestiyon sa pagiging epektibo nito sa education system ng bansa.

Ang patuloy na implementasyon ng K to 12 ay alinsunod na rin sa umiiral na batas sa ilalim ng Republic Act 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013, kaya’t hindi basta-basta maaaring tanggalin ito sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Sa halip, ito ay dapat na dumaan sa Kongreso kung nais ma-repeal o bawiin ang pagpapatupad nito.

YOU MIGHT ALSO LIKE