Pagtulong sa bansa na makabangon sa COVID pandemic, pagtulong sa OFWs at pagtugon sa kalamidad, ilan sa mga pangako ni SP Sotto
By Nimfa Asuncion - July 26, 2021 , 2:31 pm

Pormal nang binuksan ng Senado ang kanilang sesyon para sa third regular session ng 18th Congress…

Hybrid pa rin ang naging sesyon nitong umaga, 13 senator ang pisikal na dumalo kabilang sina Senate President Vicente Sotto III, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Christopher ‘Bong’ Go, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Risa Hontiveros, Pia Cayetano, Nancy Binay, Panfilo Lacson, at Ramon Bong Revilla Jr.

Habang siyam na senator naman ang virtually present kabilang sina Senator Ralph Recto, Sonny Angara, Francis Pangilinan, Aquilino ‘Koko’ Pimentel, Cynthia Villar, Richard Gordon, Grace Poe, Imee Marcos, at si Senator Manny Pacquiao na nasa ibang bansa ngayon.

Sa kanyang opening speech, tinukoy ni Senate President Sotto, ang apat na bagay na nais pagtuunan ng pansin ng Mataas na Kapulungan ngayong third regular session.

Kabilang dito ang paglalaan ng pondo para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic; pagtulong sa mga pamilya, industriya o sektor na naapektuhan ng pandemya; pagtugon sa pangangailangan ng overseas Filipino workers (OFWs); at ang pagtugon sa mga kalamidad at pagprotekta sa kalikasan.

Sa naging sesyon, inaprubahan ang Senate Resolutions 782 at 783, na nagpapaalam sa Kamara at kay Pangulong Rodrigo Duterte ng pagkakaroon ng quorum ng senado.

Inaprubahan rin ang Concurrent Resolution number 18 at 15, na nag aapruba ng pagkakaroon ng joint regular session ng Kamara at Senado, mamayang alas-4 ng hapon para pakinggan ang huling state of the nation address (SONA) ni Pangulong Duterte.

Sa ngayon, suspendido na ang sesyon ng senado at pitong senator ang inaasahang pisikal na pupunta sa Batasang Pambansa, para sa pakinggan ang huling SONA ng pangulo mamayang hapon.

YOU MIGHT ALSO LIKE