Panukala vs ‘budol text scam’, inihain ni Sen. Villanueva
By Nimfa Asuncion - December 3, 2021 , 9:48 pm

Naghain na si Senator Joel Villanueva ng isang panukala para labanan ang “budol text scams,” na nakakapambiktima ngayon ng marami nating kababayan, lalo na ang mga nawalan ng trabaho na pinapangakuan ng mataas na sahod.

Sa inihaing Senate Bill 2460 ni Villanueva, bibigyan ang mga phone subscriber ng karapatang pumili kung gusto nilang makatanggap o hindi ng promotional messages mula sa mga kumpanya, para malabanan ang walang humpay na pagdating ng mga hindi kanais-nais na mensahe kasama na ang mga budol scam.

Sa ilalim ng panukala, maikokonsiderang spam message ang isang mensahe kapag ito ay: (1) Hindi hiningi ng makakatanggap ng SMS o tawag na may commercial o promotion; (2) Nag-install ng app o programa sa telepono o computer nang walang paalam sa may-ari; (3) Naglalaman ng mali o hindi totoong mensahe; at (4) Ilegal na kumukuha ng personal na impormasyon mula sa nakatanggap ng mensahe.

Kapag naisabatas, papatawan ng parusa ang sino mang lalabag dito lalo na ang mga tao o kumpanyang patuloy na magpapadala ng text o e-mail, kahit na “nag-opt out” na ang subscriber.

Inihain ang panukalang ito sa gitna ng laganap na text scam messages nitong mga nakaraang buwan, na nangangako ng trabaho na magbabayad ng P500 hanggang P8,000 kada araw.

Marami aniya itong nabibiktima lalo na sa panahon ng pandemya, at nanawagan sa publiko na huwag magpaloko sa mga text scam na ito.

YOU MIGHT ALSO LIKE