Panukalang magtatag ng Senate Medal of Honor award para sa natatanging Pilipino, isinusulong sa Senado
By Nimfa Mae Asuncion - July 27, 2021 , 6:20 pm

Naghain sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senator Sonny Angara, at Sen. Francis Tolentino ng isang resolusyon, na layong itatag ang Senate Medal of Honor award para kilalanin ang mga natatanging atleta, uniformed personnel, scientists, at iba pang indibidwal o institusyon na nakapagbigay ng karangalan sa ating bansa. 

Sa pamamagitan ng Senate Resolution 781, nais ng mga senator na itatag ang naturang award para sa mga indibidwal na nagsisilbing simbolo ng pag asa sa sambayanang Pilipino. 

Giit ng mga senator, nararapat lang na igawad ang isang Philippine Senate Medal of Honor sa mga Pilipinong nagtakda ng pinakamataas na pamantayan ng kahusayan at pagiging makabayan, bilang mga katangian na dapat maging hangarin ng lahat. 

Inihalintulad ni Tolentino ang pinapanukala nilang Senate Medal of Honor sa Congressional Gold Medal, na iginagawad ng US Congress na itinuturing na pinakamataas na pagpapakita ng pagkilala nila sa mga tagumpay at kontribusyon ng kanilang mga mamamayan.

Ayon sa senator, maaaring ibigay ang award na ito sa mga atletang Pinoy na kasalukuyang kumakatawan sa Pilipinas sa 2020 Tokyo Olympics.

Kabilang na dito ang weightlifter na si Hidilyn Diaz, na nakapagbigay sa Pilipinas ng kauna-unahan nating Gold Olympic medal. 

YOU MIGHT ALSO LIKE