Patuloy na pag-iingat vs COVID, pinanawagan sa NCR schools na kasali sa F2F classes
By Nimfa Asuncion - December 6, 2021 , 4:14 pm

Kasabay ng pagpapalawig ng pilot implementation ng face-to-face (F2F) classes at sa paglahok ng ilang paaralan dito sa Metro Manila, binigyang diin ni Senate Committee on Basic Education Chairperson Senator Sherwin Gatchalian, na dapat paigtingin at ipagpatuloy ang pag-iingat kontra COVID-19. 

Ito lalo na aniya at patuloy na tinututukan ang banta ng Omicron variant ng virus. 

Ayon kay Gatchalian, magandang balita ang pagpapalawig ng dry run ng limited face-to-face classes, pero dapat kasabay ng pag iingat ay ang mas mabilis na pagbabakuna sa mga guro at mga estudyante na nasa tama nang edad. 

Dapat din aniyang ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health standards, at simulan ang regular na COVID-19 testing para sa mga guro.

Giit ng senator, mainam na gamitin ang pagkakataong mayroon tayo para matuto, kung paano matitiyak ang ligtas na pagbabalik ng mga kabataan sa mga paaralan.  

Nagpasalamat din ang mambabatas sa mga guro, mga kawani, at mga school official, na nanguna sa paghahanda para sa limited face-to-face classes at para sa patuloy na dedikasyon.

YOU MIGHT ALSO LIKE