Senado, pinagtibay ang resolusyong bumabati at kumikilala sa naging tagumpay ni Hidilyn Diaz
By Nimfa Mae Asuncion - July 27, 2021 , 6:49 pm

Pinagtibay ng Senado ang Senate Resolution 793, na bumabati at kumikilala sa naging makasaysayang tagumpay ni Philippine Air Force Sergeant Hidilyn Francisco Diaz, sa ginaganap na 2020 Tokyo Olympics.

Ito ay matapos iuwi ni Diaz para sa Pilipinas ang kauna-unahan nating Gold Olympic medal.

Labindalawang resolusyon ang inihain sa senado kaugnay nito, kabilang ang mga inihain nina Senate President Vicente Sotto III, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senador Christopher “Bong” Go, Ramon “Bong” Revilla Jr., Risa Hontiveros, Franklin Drilon, Lito Lapid, Nancy Binay, Richard Gordon, Imee Marcos, Joel Villanueva, at Manny Pacquiao.

Ginawa namang co-author ang lahat ng mga senator.

Sa kanyang sponsorship speech para sa inihain niyang resolusyon, minungkahi ni Senate Committee on Sports Chairperson Senator Bong Go sa Philippine Air Force, na i-promote si Diaz bilang isang Air Force Staff Sergeant mula sa kasalukuyan nitong ranggo na Air Force Sergeant.

Pinunto ni Sotto, na mahalaga ang tagumpay na ito ni Diaz, hindi lang para sa kasaysayan ng bansa kung hindi ito rin ay nagsilbing morale booster ngayong nasa gitna ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Habang ang mga babaeng senator naman na sina Hontiveros at Cayetano, ay sinabing ang tagumay na ito ni Diaz ay magsisilbing inspirasyon lalo na sa mga kababaihan.

YOU MIGHT ALSO LIKE