29 repatriated individuals sa Davao Region mula sa Red List countries, mahigpit na mino-monitor dahil sa Omicron variant
By Sheila Lisondra | RP1 Davao - December 7, 2021 , 11:03 am

Patuloy ang isinasagawang monitoring ng Department of Health-Davao kasama ang mga local government units sa rehiyon sa pag-monitor at contact tracing sa 29 na indibidwal na mula sa Red List countries dahil sa COVID-19 Omicron variant.

Ayon kay Dr. Rachel Joy Pacion, hepe ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH-Davao, nakatanggap sila ng listahan mula sa Bureau of Quarantine kung saan 29 na indibidwal na may address sa Davao Region ang dumating sa bansa mula sa mga bansa na may kaso ng Omicron variant.

Sa nasabing bilang, 13 dito ay may address na Davao City, dalawa ang mula sa Davao del Sur, isa sa Davao Oriental, dalawa sa Davao de Oro, at 11 sa Davao del Norte.

Sa huling update ng ahensya, dalawa sa mga ito ay hindi pa nakauwi sa rehiyon, dalawa rin ang patuloy na biniberipika, habang ang iba naman ay nasa 14-day quarantine sa kabila nang pagkakaroon nito ng negative RT-PCR test result.

Siniguro naman ng opisyal na mahigpit ang kanilang pagmo-monitor sa mga indibidwal upang mapigilan ang pagpasok ng nasabing variant ng COVID-19 sa Davao Region.

YOU MIGHT ALSO LIKE