Cebu City Health Dept, namigay ng libreng gamot sa mga mahihirap na residente
By Angelie Tajapal | RP1 Cebu - January 23, 2022 , 12:45 pm

Bilang tugon sa nagkakaubusang suplay ng mga gamot sa sipon at ubo sa mga botika sa Cebu City, ang Cebu City Health Department ay nagsagawa ng house to house distribution ng mga gamot sa mga mahihirap na residente sa lungsod.

Ayon kay Cebu City Health Officer Dr Jeffrey Ibones, namigay sila ng mga paracetamol, gamot sa ubo at mga vitamins.

Nag-emergency purchase na rin ng karagdagang gamot ang city health upang masigurong mayroon silang sapat na supply.

Ito ay kasunod ng direktiba ni Mayor Michael Rama na kailangang mayroong gamot na magagamit ang mga residente lalo na ang mga mahihirap ngayong panahon na uso ang lagnat at tumataas na kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Sa halip na pumunta pa sa mga health centers ang mga residente, minabuti ng lokal na pamahalaan na ihatid mismo sa bahay ng mga residente ang gamot uoang maiwasan ang pagkukumpulan sa mga health centers.

Ipinaliwanag ni Ibones na prayoridad nilang mabigyan ang mga residenteng walang kakayahan na makabili ng gamot at mga residenteng naka home isolation dahil sa COVID-19.

Samantala nakipag-usap na rin ang lokal na pamahalaan sa mga representate ng mga malalaking parmasya dito sa lungsod upang masiguro ang sapat na supply ng mga kinakailangang gamot sa susunod na mga araw.

YOU MIGHT ALSO LIKE