Davao City Health Office, nagbabala sa sakit na dengue ngayong panahon ng tag-ulan
By Maymay Benedicto | RP1 Davao - October 14, 2020 , 9:25 pm

Ngayong panahon ng tag-ulan, mahigpit na nagbabala ang Davao City Health Office sa publiko na mag-ingat sa sakit na dengue.

Ayon kay Davao City Health Officer Dr. Josephine Villafuerte, kailangan umanong alalahanin ng mga Dabawenyo na tulad ng COVID-19, nakamamatay din ang sakit na dengue.

Kaya hindi umano ito dapat na balewalain at siguruhing mapanatili ang kalinisan sa paligid lalo na ang mga lugar na pwedeng pagpugaran ng mga lamok sa loob at labas ng bahay. Dapat ding sundin ang mga hakbang na ipinalabas ng Department of Health (DOH) para maiwasan ang dengue.

Ayon kay Villafuerte, wala pa naman umanong naitatala ngayong taon na namatay sa dengue sa lungsod, ngunit hindi umano ito dapat maging rason para magpaka-kampante ang publiko lalo na iyong mga nasa dengue hot spots, dahil  dumarami ang kaso ng dengue tuwing tag-ulan.

Pinaalalahanan din ng Davao City Health ang mga Dabawenyo na mas mahirap ma-ospital sa mga panahong ito dahil sa ipinatutupad na mga dagdag na kinakailangan para sa mga pasyente at mga watcher bilang hakbang sa pag-iwas sa COVID-19 sa mga ospital.

YOU MIGHT ALSO LIKE