Jailbreak sa Basilan, pinaiimbestigahan ni PNP Chief
By Leo Sarne - October 15, 2020 , 11:05 am

Pinaiimbestigahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Pancratius Cascolan ang nangyaring jailbreak sa Basilan Provincial Jail, kung saan walong preso ang nakatakas subalit isa ang nasawi habang tinutugis ito kahapon.

Ayon kay Cascolan, hinihintay pa niya ang report mula sa Basilan PNP hinggil sa insidente, pero tuloy-tuloy pa rin ang manhunt operations laban sa pitong presong nakatakas na pinangunahan umano ng isang ASG sub-leader.

Pinakikilos na rin ni Cascolan ang hepe ng DIPO- Western Mindanao, para i mobilize ang mga miyembro ng PNP Mobile Force para tumulong sa pagtugis sa pitong preso na kasalukuyang “at large.”

Sa report ng Police Regional Office (PRO) 9, nakilala ang nasawing preso na si Torotoy Abbas na may kasong criminal.

Si Abbas ay napatay ng mga otoridad sa may bahagi ng Purok Gumamela, Barangay Sumagdang, habang papatakas ito.

Nakilala naman ang iba pang mga tumakas na preso na sina Battuh Kusain, Gappal Saripada, Hernie Asao, Nurhasan Lahaman na umano ay ASG sub-leader, Albaser Ahmad, Mahad Hassan, at Kaliji Hajirul.

Sa nasabing jailbreak, binaril at napatay ng mga tumakas na preso ang jailguard na si JO3 Asbi Florencio Salih.

YOU MIGHT ALSO LIKE