Mababang bilang ng bakunadong senior citizen, ikinababahala ng isang mambabatas
By Kathleen Jean Forbes - December 6, 2021 , 9:06 pm

Nababahala si House Special Committee on Senior Citizens Chair Rodolfo Ordanes sa mababa pa ring bilang ng senior citizens na nababakunahan kontra COVID-19.

Tinukoy ng kinatawan na matapos ang siyam na buwan, 5.2 million pa lang sa halos 10 milyong populasyon ng seniors sa bansa ang fully vaccinated.

Nasa 4.74 million naman aniya ang wala pang second dose, habang wala pang 150,000 ang nakapag-booster shots, at lampas isang milyon ang wala pang kahit first dose.

Karamihan din sa hindi pa nababakunahan ay nasa labas ng Metro Manila.

Umaasa naman ang Senior Citizen Partylist solon na matutukoy at matutugunan ng Inter-Agency Task Force (IATF), National Task Force Against COVID-19, at local government units (LGUs) ang problema sa vaccination ng A2 category o yung mga nakatatanda.

Paalala pa nito na kailangan maitaas ang vaccination rate ng A2 category dahil mas lantad sila sa virus lalo na ngayong holiday season at sa banta ng Omicron variant.

YOU MIGHT ALSO LIKE