MECQ, posibleng ideklara sa Cebu — OPAV
By Hajji Kaamiño - July 3, 2020 , 3:12 pm

Hindi malabong ilagay na sa Modified Enhanced Community Quarantine o General Community Quarantine ang Cebu City sa susunod na dalawang linggo.

Ito ang kinumpirma ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV) matapos bumagal ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.

Sa panayam kay OPAV Assistant Secretary Jonji Gonzales sa Network Briefing News, sinabi nitong pababa na ang trajectory ng COVID-19 cases sa mahigit 180 nitong Miyerkules mula 1,600 noong nakaraang dalawang linggo.

Masaya aniya si Chief Implementer for Visayas Roy Cimatu na sumusunod na ang mga residente ng Cebu City sa guidelines at health protocols.

Gayunman, nagpalabas ng Show Cause Order si Cimatu laban sa mga barangay chairman ng San Nicolas at Calamba kasunod ng insidente ng disco at prusisyon na ipinagbabawal sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.

Samantala, umapela si Gonzales sa mga Cebuano na kahit bumababa na ang tinatamaan ng virus ay hindi pa rin sila dapat makampante at manatili na muna sa mga tahanan.

YOU MIGHT ALSO LIKE