Mga nagbebenta ng QR code sa social media, binalaan ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte
By Maymay Benedicto | RP1 Davao - October 16, 2020 , 6:08 pm

Nagbabala si Davao City Mayor Inday Sara Duterte sa mga netizen ukol sa mga nag-aalok ng mga binebentang QR code sa social media para sa ipatutupad na QR code system sa buong lungsod sa Nobyembre.

Ayon sa alkalde, hindi dapat maniwala ang publiko, lalo na ang mga netizen sa mga QR code for sale sa internet, dahil hindi rin ito magagamit sa panahon ng implementasyon ng QR code system sa lungsod.

Aniya, may specific website at link na ginawa ang developer ng QR code system ng city government na tanging paraan sa pag-generate ng QR code, kung saan may specific din na mga impormasyon ang kailangang ma-encode para dito.

Paraan ito ng lokal na pamahalaan na hindi mapeke ang QR code na tatawaging “Safe Davao QR” na naglalayong mas mapabilis ang contact tracing sa lungsod.

Samantala, pinag-uusapan na rin ngayon ng Davao City Government, LGU ng Island Garden City of Samal at Davao de Oro Provincial Government na i-link ang kanilang mga QR Code System upang mas mabilis ang contact tracing sa mga indibidwal na bumibiyahe palabas at papasok sa kanilang mga nasasakupan.

YOU MIGHT ALSO LIKE