Sundalo at CAFGU, sugatan sa pagpapasabog ng landmine ng NPA sa Samar
By Leo Sarne - January 26, 2022 , 5:51 pm

Sugatan ang isang sundalo at isang CAFGU Active Auxiliary (CAA) sa pagpapasabog ng landmine ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Pelaon, Pinabacdao, Samar, kahapon ng umaga.

Kinilala ni 8th Infantry Division Spokesperson Captain Ryan Layug ang mga sugatan, na si Staff Sergeant Alan S. Albuera ng Philippine Army, at CAA Rolando S. Abainza Jr., na tinamaan ng shrapnel sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Capt. Layug, patungo ang dalawa sa site ng itatayong bagong detachment na ni-request ng local government nang mangyari ang insidente.

Naisugod naman ang dalawa sa ospital kung saan sila kasalukuyang ginagamot.

Kinondena naman ni Pinabacdao Mayor Teodorico Mabag ang insidente, kasabay ng pagsabi na ang pagtatanim ng NPA ng mga landmine sa lugar ay nagdudulot ng panganib sa mamamayan ng Brgy. Pelaon.

Sinabi naman ni 8ID Commander Major General Edgardo De Leon, na ang patuloy na paggawa, pag-iimbak at paggamit ng mga landmine ng NPA, ay hayagang pagdisrespeto sa UN Convention na nagbabawal sa mga landmine sa buong daigdig.

YOU MIGHT ALSO LIKE