Malacañang, inatasan ang LGUs at gov’t agencies na tumulong sa 30th SEA Games
January 30, 2019

Inatasan ng Malacañang ang mga government agency at local government units (LGUs) na magpaabot ng tulong sa Philippine SEA Games Organizational Committee Foundation (PHISGOC), na siyang mamamahala sa pagho-host ng Pilipinas sa 30th SouthEast Asian Games (SEA) ngayong taon.

Base sa Memorandum Circular no. 56 na ibinaba ng Malacañang, maaaring magpaabot ng tulong o donasyon ang LGUs, maging ang state universities sa PHISGOC para sa mga kagamitan na kakailanganin.

Nakasaad din dito, na dapat paigtingin ang Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at iba pang National Sports Association para sa preparasyon ng mga kinatawan ng bansa sa 30th SEA Games.

Hinihikayat rin ang mga pribadong kumpanya na magpaabot ng suporta sa bansa.

Ang ika-30 SEA Games ay gaganapin simula ika-30 ng Nobyembre hanggang ika- 11 ng Disyembre 2019, sa Maynila, Clark, Subic, Batangas, La Union at Tagaytay. | ulat ni Racquel Bayan